Martes, Hulyo 20, 2010

Sibalenhon Backpacker: Mt. Batulao - Ang Unang Akyat

“Mountaineering” o Pamumundok, sabi nga ng ilang di nakakaranas o nakakasubok nito, ay isa raw sa mga outdoor sports ng mga wala (daw) magawa sa buhay.

Bata pa ako ay hilig ko na talaga yata ang umakyat, siguro dahil sa aming bayan sa Sibale Island, Romblon, kailangan mong umakyat ng ilang bundok bago mo pa man marating ang isang lugar doon. Kaya noong lumuwas ako ng Manila pagkatapos kong makapagtapos ng high school ay pinangarap ko nang umakyat gaya ng mga napapanood ko na sa tv at nababasa sa mga magazines. Sinubukan kong sumali sa isa sa mga kilalang mountaineering group noon sa Adamson University kung saan ako nag-kolehiyo ngunit dahil sa medyo may kamahalan ang mga gamit ay di ko na lang tinuloy. Idagdag pa doon ‘yong kawalan ng oras, kaya naging pangarap na lang para sa akin na akyatin (sana) ang mga noon pa man ay madalas ko ng nababasang malimit inaakyat ng mga “mountaineers” kagaya ng Mt. Batulao, Mt. Pico De Loro, Mt. Maculot ng Batangas at Mt. Makiling at Mt. Banahaw ng Laguna.

Lumipas pa ang maraming taon na inakala kong mananatiling pangarap na lamang ‘yon hanggang sa noong 2010, at kasalukuyang nag-aral ako ng abogasya sa Adamson University, isa sa mga kaklase ko, si Raffy, ang nag-imbita na umakyat ng Mt. Batulao sa Nasugbu, Batangas. Excited pero di ko binigyan ‘yon ng masyadong pansin at sinabi ko na lang na di ko rin alam kung libre ako sa araw na sinabi nya. ‘Yon marahil ang dahilan kaya ilang araw bago ang iskedyol ng pag-akyat ay di na ako muling sinabihan ng kaklase ko.

Ika-labingwalo ng Hulyo, 2008, ganap na alas-kwatro ng umaga, bigla akong nagising nang tumunog ang phone ko. Pag-tingin ko, isang text galling sa kaklase ko na si Raffy galing at nagtatanong kung gusto ko raw sumamang umakyat para mahintay nila ako sa may sakayan sa Buendia Bus Terminal ng alas-cinco ng umaga. Di ako nag-reply pero sa di ko maipaliwanag na dahilan ay bigla na lang akong naligo, nagbihist at lumabas ng bahay bit-bit ang isang extra shirt at maliit na towel patungong Buendia, sa sakayan na sinabi ni Raffy sa kanyang text. Nasabi ko na lang sa sarili ko, “ito na yon, ito na simula nang pangarap kong umakyat.”

Sakto 5 o’clock nang dumating ako sa may Jollibee-Buendia kung saan ay nandon na rin si Raffy kasama ang iba pang kaklase ko sa law school na sina Philip, Erwin at Weng na naghihintay. Nakakatuwa kasi pagdating ko ay tinanong agad ako ni Raffy kung sasama raw ba talaga kaming umakyat. Kung bakit… naka maong short lang kasi ako nong araw na ‘yon samantalang si Philip at Weng ay parehas na naka-maong pants naman, malayong malayo sa mga nakikita naming suot ng mga umaakyat… sabay hirit pa na kung pupunta daw bas a mall. Tawanan na lang ang mga naging tugon namin. Nakilagay na  ako ng gamit ko sa bag ni Erwin at ako na rin ang nagdala nito. Pagkatapos na masigurong wala nang iba pang darating ay nagpasya na kaming sumakay ng bus patungo naman ng Sta. Rosa, Laguna Exit para doon naman katagpuin ang isa pa naming kasama na si ate Tina, kaklase rin namin sa law school.

Mga bandang 8 o’clock nang magkita kami ni ate Tina sa lugar na napagkasunduan nila ni Raffy dala ang kanyang sasakyan na Ford Everest na nagsilbing transport vehicle namin patungong jump-off point ng Mt. Batulao.

L-R: Philip, Raffy, Weng at ako.

Pagdating namin ng Tagaytay City ay nagpasya muna kaming dumaan sa isa sa mga kilalang Simbahan doon para humingi ng basbas na maging matagumpay, masaya at ligtas ang aming gagawing paglalakbay at pag-akyat ng Mt. Batulao. Ilang saglit din lang ang tinigil namin doon at tumulak na rin kami patungong Nasugbu.



Dahil nakarating na si Raffy sa lugar na ‘yon ay madali na rin naming napuntahan ang jump-off point kung saan ay do’n na rin namin pwedeng iwanan ang sasakyan ni ate Tina at doon na rin magsimulang maglakad paakyat ng Mt. Batulao. Matapos bumili ng ilan pang kakailanganin ay nagsimula na kaming maglakad, at dahil feeling mga first time, walang ginawa kung hindi mag-picture dito, mag-picture doon.

Ako, si  Ate Tina, Weng at Raffy.


Habang masaya kaming naglalakad ay napansin naming dumilim ang kalangitan ngunit di namin inakala na uulan dahil sa magmula pa naman sa Manila ay naging maganda na ang panahon. ‘Nong nasa kalagitnaan na kami ng aming paglalakad ay biglang bumuhos ang malakas na ulan kaya nagpasya kaming makisilong muna sa isa sa mga bahay na nadaanan namin paakyat. Sa kabutihang palad ay mababait ang pamilyang nakatira doon at maluwag sa loob na pinatuloy kami. Dahil sa medyo matagal tumila ang ulan ay doon na kami nagpaabot ng pananghalian kasalo ang pamilyang nakatira doon. Nakakatuwa pa kasi ‘yong prito nilang isda ay kami ang kumain samantalang ‘yong mga canned goods na baon namin ay silang mag-anak naman ang umulam. Nang medyo humina na ang ulan ay nagpasya na kaming magpaalam sa pamilyang ‘yon at bilang pasasalamat sa kanilang kagandahang loob, iniwan na lang namin sa kanila yong ilang piraso nang sardinas na natira.

Sa bahay na aming tinuluyan nang bumuhos ang malakas na ulan, at kung saan na rin kami kumain ng pananghalian.

L-R: Si Raffy, Ate Tina, Philip, Erwin, Weng at ako sa daan paakyat ng Mt. Batulao.

Nagpatuloy ang di magandang panahon nong araw na ‘yon kaya naman sa tuwing titila ang ulan ay di namin pinalalampas ang pagkakataon na makapagpa-picture sa daan. Sa daan na rin namin nasasalubong ang iba pang grupo ng mga mountaineers na papauwi na galing sa summit ng Mt. Batulao. Nakakamangha na doon ko nalaman na kailangan mo palang batiin ang lahat ng makakasabay or makakasalubong mong mountaineer ng “good morning sir/mam o good afternoon sir/mam.” Syempre, first time kaya feel na feel naming batiin lahat ng makasalubong namin, kahit pa alam namin na ang iba ay mga taga-doon din lang mismo. Patunay na pag-dating sa bundok, walang mayaman, walang mahirap at walang amo, walang alalay, lahat pantay-pantay.





Halos alas-dos na ng hapon nang marating namin ang campsite sa sinasabi nilang “new trail” kung saan kailangan naming mag-register at magbayad ng registration fee. Malakas na masyado ang ulan nang mga oras na yon kaya medyo nagdalawang isip na kaming tumuloy patungong summit.  Pero dahil halos lahat kami ay first timer at malamang sa hindi ay excited na maka-experience na makapag-summit, nagpasya pa rin kami nina Philip, Raffy at Erwin na tumuloy.  Ngunit ilang metro pa lang ang aming nalalakad ay napagkasunduan na lang na wag nang tumuloy pa at bumalik na lang sa campsite kung saan naghihintay sina Weng at ate Tina dahil na rin sa lalo pang lumakas ang buhos ng ulan. Syempre nalungkot kami lahat pero yon na rin ang pinakamabuting gawin para maiwasan ang ano pa mang aksidente na posibleng mangyari dulot ng malakas na ulan lalo pa at di kami pamilyar sa dinadaanan namin.


Ang napakagandang hugis ng Mt. Batulao tanaw mula sa camp site kung saan kami nagpatila ng ulan.



Pagkalipas ng isang oras na paghihintay ay tumila na rin ang ulan ngunit dahil sa medyo hapon na ay nagpasya na lang kami na bumaba na baon ang masayang karanasan ng una naming pag-akyat. Pag dating sa jump-off point ay naglinis na kami agad ng mga sarili namin at bumyahe na pabalik nang Manila. Habang nasa daan ay napagkasunduan namin na dumaan muna sa Mushroom Burger Restaurant para don na rin makapag-hapunan. Pagkatapos doon ay tumuloy na kami ng Sta. Rosa Laguna kung saan kami ibinaba ni ate Tina para makasakay naman ng bus patungong Buendia-LRT.

Sa Buendia-LRT na kami naghiwa-hiwalay nina Erwin, Weng, Raffy at Philip matapos ang hindi halos maubos na “salamat” at “hanggang sa sunod” na paalamanan sa isat-isa. Sa kauna-unahang pagkakataon na umakyat ako bilang isang “mountaineer”, doon ko napatunayan na sadya nga pa lang masarap umakyat at namnamin ang kagandahan ng ating kalikasan. Nakakalimutan mo pansamantala ang mga problema habang tinatahak mo ang daan paakyat ng bundok. Doon ko nakita na ultimo pinakamaliit na basura ay kailangan pa ring ibulsa o ilagay sa tamang lagayan upang di na makapinsala sa kagandahan ng kapaligiran. Doon ko naranasang binabati ka ng mga taong sa buong buhay mo ay doon mo lang naman nakita, nakasalubong o nakilala. Doon ko naranasang sumigaw na walang nakikialam sayo. ‘Nong araw na ‘yon, umuwi akong napakasarap ang pakiramdam dulot na marahil nang bagong karanasang ‘yon na matagal ko ring hinintay… at nangako akong aakyat muli.